Tinigtignan na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na sa bansa mismo nakuha ng turista ang zika virus.
Matatandaang isang babae na nagbiyahe sa Pilipinas ang nag-positibo sa zika virus ilang araw matapos itong makauwi sa Amerika.
Ayon kay DOH Secretary Janette Garin, wala pang naitatalang local transmission ng zika sa naturang bansa dahil wala ditong lamok na aedes aegypti na siyang carrier ng virus.
Tatlumpu’t tatlong (33) bansa na sa mundo na mayroong mga kaso ng local transmission ng zika kabilang ang Pilipinas, Malaysia, Cambodia, Indonesia at iba pa.
Samantala, hinimok naman ng ilang doktor ang Department of Health na simulan nang isailalim sa pagsusuri ang mga residente sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue upang matiyak na ligtas ang bansa sa zika virus.
Ito, ayon kay Dr. Willie Ong, isang cardiologist at dating DOH Consultant, ay upang mabatid kung paano maghahanda ang bansa sa oras na magkaroon ng outbreak ng naturang sakit.
Ang main carrier ng zika virus ay ang lamok na aedes aegypti na nagdadala rin ng dengue virus at endemic sa Pilipinas maging sa iba pang tropical country.
Dapat anyang magsagawa ng random testing sa tinatayang 100 katao sa bawat barangay na may mataas na kaso ng dengue partikular sa mga buntis at may mataas na lagnat at rashes.
Ipinaliwanag ni Ong na kung ang isang Amerikanong nagbabakasyon sa Pilipinas ay nahawa ng zika ay mas lalong bantad ang nakararaming Filipino lalo ang mga nakasalamuha ng dayuhan.
Tinatayang 200,000 dengue cases sa buong bansa ang naitala ng kagawaran noong isang taon at karamihan sa mga tinamaan ay nasa Central Luzon, CALABARZON, Metro Manila, Ilocos Region at Cagayan Valley.
CBCP
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP na magsuot ng mga damit na matatakpan ang kamay at binti bilang proteksyon sa zika virus.
Ayon kay CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, dapat ay makibahagi ang lahat upang mapanatiling malinis ang paligid maging ang mga simbahan.
Pinayuhan nito ang mga pari at iba pang namamahala sa mga simbahan na linisin ang mga posibleng tirahan ng mga lamok upang masigurong magiging ligtas ang mga nagsisimba.
Dapat aniya ay siguruhin na gumagana ang mga bentilador at huwag kalimutang mag lagay ng mga mosquito repellent.
By Rianne Briones | Drew Nacino