Naaalarma ang Malacañang sa babala ng Estados Unidos na posibleng naglalagay na ang China ng nuclear power stations at nuclear weapons arsenal sa mga military base nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, alinsunod sa Section 8, Article 2 ng 1987 constitution, isang deklaradong nuclear-free zone ang Pilipinas.
Kahit anya ang buong Association of Southeast Asian Nations ay nuclear-free zone sa ilalim ng nilagdaang Southeast Asia nuclear weapon-free zone treaty.
Gayunman, aminado si Roque na ang babala ay maaaring obserbasyon lamang ng US Defense Department at hindi pa nabeberipika ng Pilipinas.
Una nang nagbabala ang Amerika sa posibleng paglalagay ng China ng nuclear arsenal sa West Philippine Sea.
Ayon sa US State Department, kumpleto na ang shore based infrastructure ng Beijing sa Spratly Islands noon pang 2016 at tila inihahanda naman ngayon ang apat na outpost sa Mabini Reef, McKennan Reef, Burgos at Calderon Reefs para magsilbing nuclear station.
Sinasabing sisimulan ang bagong proyekto bago sumapit ang taong 2020.
Nangangamba ang mga eksperto na maaring magdulot ito ng dagdag na problema lalo’t pinagtatalunan ang nasabing teritoryo.
Wala pa namang pahayag ang China hinggil sa nasabing report ng Pentagon.
Samantala, siniguro naman ng Department of National Defense o DND na laging handa ang Armed Forces of the Philippines o AFP na ipagtanggol ang bansa.
Kasunod ito ng pahayag ng Amerika na posibleng naglalagay ng nuclear arsenal ang China sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay DND Spokesman Arsenio Andolong, nakahanda ang militar na tuparin ang mandato nito at gagamitin ang lahat ng kagamitan na mayroon ang sandatahang lakas.
Ngunit nilinaw ni Andolong na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang anumang banta sa seguridad.
Magpapatuloy naman aniya ang modernisasyon ng AFP para mapalakas pa ang pagdepensa ng bansa sa mga teritoryong pag-aari nito.
—-