Hindi pa rin inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad na isang mapanganib na pagsabog sa Bulkang Taal.
Kasunod ito ng mga naitalang volcanic activity sa Taal na nagsimula pasado ala-1 ng hapon, kahapon, ika-12 ng Enero.
Ayon kay Mariton Bornas, chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, nananatiling nakataas ang alert level 4 sa Taal Volcano.
Nangangahulugan aniya ito ng posibilidad ng pagkakaroon ng mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw kung saan maaaring tumawid ng lawa ang mga ibubugang bato ng bulkan.
Sinabi ni Bornas, kaninang umaga, nagbago ang ugali o istilo ng pagputok ng Bulkang Taal at naglabas ng mababang lava fountaining mula sa nangyaring phreatic o steam-driven activity, kahapon.
Sa ilalim naman aniya ng alert level 4, sapilitan nang pinalilikas ang lahat ng mga residenteng nakatira sa loob ng 14-kilometer radius mula sa main crater ng Taal Volcano.
Ang pagbibitak ng lupa, this is well-documented sa mga bayan ng Lemery, Taal, t’yaka San Nicolas. Sa Volcano Island lumulubog ‘yan typically kapag after it’s erruption from the main crater. Dito po sa Tanauan, ‘yung 17:49 erruption —Tanauan, Talisay hanggang sa Calamba, Laguna,” ani Bornas. —sa panayam ng Ratsada Balita