Mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police ang galaw ng mga pulitiko partikular na ang mga sangkot sa illegal drugs at iba pang iligal na gawain.
Ito’y sa gitna ng naunang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin ng mga pulitiko ang pera mula sa mga sindikato ng iligal na droga sa midterm elections.
Ayon kay PNP Spokesman, Col. Bernard Banac, bagaman aminado silang mahirap matukoy kung saan nagmumula ang pondong ginagamit ng mga pulitiko, nakatutok naman ang pulisya upang gumawa ng aksyon.
Umapela naman si Banac sa publiko na ipagpatuloy ang kanilang pagmamanman at huwag matakot na isumbong sa PNP ang mga pulitikong gumagamit ng “guns, goons at gold.”
(with report from Jaymark Dagala)