Nanganganib na mawala ang interes ng mga botante sa posibilidad ng pagsabak sa 2022 presidential elections ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Sara – Duterte Carpio.
Ito, ayon kay political analyst, Professor Julio Teehankee, ay kung patuloy na bibitinin ni Mayor Sara ang publiko hinggil sa tunay na plano nito sa halalan.
Magugunitang inamin muli ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatakbo sa pagka-Presidente ang anak bagay na itinatanggi ni Mayor Inday o wala itong malinaw na tugon.
Napanood na anya ng publiko ang ganitong uri ng laro sa eleksyon kaya’t kung i-su-suspense ay maaaring bumaba ang rating ng Alkalde at mapunta sa ibang kandidato na may solidong supporters.
Noong sabado ay naghain si Carpio ng Certificate Of Candidacy para sa re-election bilang Davao City mayor sa kabila ng pagiging frontrunner sa halos lahat ng national presidential pre-election surveys. — Sa panulat ni Drew Nacino