Posibleng alisin na sa ilang lugar sa bansa ang ilang restrictions tulad ng sapilitan o mandatory na pagsusuot ng face mask o face shield at physical distancing.
Ito’y makaraang ihayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan na ng mga eksperto, kasama ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang posibilidad na tanggalin ang mga health protocols sa ilang partikular na lugar o specific bubbles.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na ang magiging pasya pagkatapos ng rekomendasyon ay ibabase pa rin sa bilang ng mga nabakunahang indibidwal at kalagayan ng COVID-19 infections sa bansa.
Ayon kay Vergeire, bagama’t mahigit isang milyon na ang mga naturukan ng COVID-19 vaccines ay maliit na bahagi pa rin ito kumpara sa kabuuang populasyon ng Pilipinas na mahigit 100 milyon.