Posible umano ang automated electoral cheating sa May 9 elections.
Nakasaad sa Facebook post ni dating Communist Party of the Philippines Founder Joma Sison na ibinunyag mismo sa kanya ng kaibigan niya na isang computer expert kung paano dadayain ang resulta ng eleksyon.
Ayon kay Sison, may ilalagay nang programa sa mga vote counting machine bago pa man ang pag-deliver sa mga ito na naglalayong baguhin ang boto sa magkakalabang kandidato sa presidential race.
Matapos aniya ang pagboto, lalabas naman sa resibo ang aktwal na binoto ng isang botante.
Pero sa nasabing programa aniya na nasa VCM, ang kada 100 boto ay automatic na mare-redistribute.
Idinagdag pa ni Sison na base sa paliwanag ng kanyang kaibigang computer expert, automatic na aalisan ng tig-10 boto sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senadora Grace Poe at Vice President Jejomar Binay at ang mababawas na boto sa kanila ay awtomatikong madadagdag kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Isa rin aniya sa posibleng sistema ng pandaraya na gagawin ay matapos ang botohan, saka lamang maglalagay ng programa para awtomatikong maalisan ng 10 porsyenyo na boto sina Duterte, Poe at Binay na madaragdag kay Roxas.
Credible elections
Malaking hamon para sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagsisigurong malinis at kapani-paniwala ang eleksyon sa Mayo.
Kasunod ito ng pangha-hack sa website ng COMELEC at ang pagli-leak sa voter information mula sa site.
Binigyang diin ni Honasan na mahalagang maging mapagmatyag o vigilant ang publiko, upang hindi magamit sa pandaraya ang mga impormasyong nakuha sa pagkaka-hack ng website.
Aminado naman si Sen. Tito Sotto na maraming maaaring mangyari, kaya mahalagang manalangin at umasang magiging tapat at malinis ang darating na halalan.
By Meann Tanbio | Katrina Valle | Cely Bueno (Patrol 19)