Blangko ang DND o Department of National Defense sa tunay na dahilan ng CPP-NPA-NDF sa pagbawi nito sa idineklarang unilateral ceasefire.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakikita niyang nais puwersahin ng NDF ang Pangulong Rodrigo Duterte na pakawalan na ang lahat ng political prisoners kayat binawi ang tigil-putukan.
Subalit, tiniyak ni Lorenzana na hindi iuurong ng gobyerno ang naunang idineklarang ceasefire ng gobyerno.
“Ang nakikita ko lang diyan ay gusto nilang puwersahin ang kamay ng Presidente na mag-release ng mga detainees na gusto nilang ma-release, hindi ko alam kung ano ang magiging desisyon ng Presidente, pero ang aming mungkahi kaming mga cabinet members ay ipagpatuloy ang ating ceasefire dahil ang sinseridad ng ating gobyerno na ginagawa natin ang lahat para mapatahimik an gating bansa.” Pahayag ni Lorenzana.
Bilateral ceasefire
Samantala, pursigido si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na isulong ang bilateral ceasefire sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Sa kabila ito nang pagbawi ng NDF sa unilateral ceasefire na idineklara nito dahil sa kabiguan umano ng Pangulong Rodrigo Duterte na palayain ang halos apat naraang (400) political prisoners.
Ayon kay Dureza, nais niyang sundin ang protocol na pinasok ng gobyerno at MILF kung saan may matatakbuhan sakaling magkaroon ng paglabag sa kasunduan ng dalawang panig.
Ito aniya ang dahilan kayat inirekomenda nila sa Pangulo at kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagpatuloy pa rin ang unilateral ceasefire na una nang idineklara ng gobyerno.
Ipinag-utos din ni Dureza sa tropa ng pamahalaan na huwag bibitiw sa pagtugis sa mga terorista at iba pang grupo na banta sa seguridad.
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)