Nangangamba ang pribadong sektor sa posibilidad na mabiktima sila ng mga tinatawag na ‘economic crimes’ sa hinaharap.
Ito’y kahit mababa umano ang antas ng mga insidenteng ito sa nakalipas na dalawang taon sa bansa.
Batay sa Global Economic Crime survey na inilabas ng PricewaterhouseCoopers, ang mga itinuturing na economic crimes o fraud ay ang asset misappropriation, bribery o corruption, cybercrime, at human resources fraud.
Nababahala rin umano ang mga lokal na kumpanya na baka mangyari o maulit ang money laundering, partikular ang pagkaka-hack ng 81 million dollars mula sa Bangladesh Central Bank.
Binanggit din sa survey na sa 13 uri ng economic crimes, nananatili pa ring pinaka-seryosong isyu ang bribery at corruption.
Ayon kay PWC Philippines Consulting Managing Principal Benjamin Azada, napapanahon ang survey na ito lalo pa’t partikular na nilalabanan ng Duterte administration ang krimen at korapsyon.
By Jelbert Perdez