Nagbabala ang mga dalubhasa laban sa mga posibleng epekto ng climate change sa diet at kalusugan ng tao.
Sa artikulong inilathala sa Lancet Medical Journal, namemeligro umanong magkaroon ng mahigit kalahating milyong extra deaths sa taong 2050 dahil sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng stroke, kanser, at sakit sa puso.
Ito, ayon sa grupo ni Marco Springmann ng University of Oxford, ay dahil maraming mga pananim o crops ang maaapektuhan ng mga pagbaha at sama ng panahon na magiging dahilan upang mabawasan ang food supply.
Giit ni Springmann, dahil sa bagyo o masamang panahon ay mababawasan ang consumption ng tao ng gulay at prutas kaya’t nanganganib na madoble ang bilang ng mga mamamatay sanhi ng undernutrition sa 2050.
Aniya, labis na maaapektuhan nito ang mga mahihirap na bansa sa Western Pacific Region at Southeast Asia na kinabibilangan ng Pilipinas.
By Jelbert Perdez