Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police o PNP sa Department of Trade and Industry o DTI hinggil sa mga ulat umano ng hoarding ng mga oxygen tank at iba pang medical supplies sa Cebu City.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleaar matapos na ibunyag ni Cebu City Vice Mayor Michael Rama ang tila biglaang pagkakaubusan ng mga oxygen tank at iba pang gamit medikal sa kanilang lungsod.
Kasunod nito, inatasan na ni Eeleazar ang Cebu Regional Criminal Investigation and Detection Group o CIDG para makipag-ugnayan sa DTI para tingnan kung may katotohanan ang mga nasabing ulat.
Maliban sa Cebu, titingnan din ng PNP kung may kahalintulad bang mga kaso ng hoarding sa oxygen tank at iba pang medical supplies sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Kasunod nito, nanawawagan ang PNP Chief sa publiko na huwag namang ipitin ang supply ng oxygen tank at iba pang gamit medikal upang makatulong na mapababa ang mga kasong COVID-19 sa bansa.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)