Malabo umanong umusad sa kamara ang anumang pagkilos na patalsikin si Vice President Jejomar Binay sa gitna ng mga ulat na ilang kongresista mula sa Liberal Party (LP) ang nagpaplano umano na magsampa ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., hindi niya sinusuportahan ang impeachment dahil uubos lamang ito ng oras ng mga mambabatas at magdudulot ng pagkakahati-hati.
Nasa The Hague si Belmonte bilang bahagi ng top-level government delegation na kumakatawan sa arbitration case ng Pilipinas laban sa China sa isyu ng West Philippine Sea.
Ani Belmonte, mas mainam na hayaan na ng Liberal Party na tumakbo si Binay bilang opposition presidential candidate dahil 10 buwan na lang ay eleksiyon na.
Naniniwala rin si Belmonte na si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ay may magandang tiyansa sa kanyang presidential bid sa ilalim ng LP kahit nahuhuli ito kina Binay at Senator Grace Poe sa mga survey.
By Mariboy Ysibido