Nais paimbestigahan ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco ang posibleng kapabayaan sa panig ng National Housing Authority Region 9 at contractor ng mga itinayong housing project para sa mga biktima ng Zamboanga Siege sa Barangay Rio Hondo.
Kasunod ito ng insidente ng pagkakahulog nina Climaco, Negros Occidental Representative Alfredo Benitez at Zamboanga City Representative Celso Lobregat sa isang tulay na kahoy habang nagsasagawa ng inspeksyon sa nasabing pabahay.
Ayon kay Climaco, posibleng hindi gaanong matibay ang ginamit na kahoy sa nasabing tulay lalo’t hindi lamang aniya tao ang dumaraan dito kundi maging mga motorsiklo.
“Ang suma total nito kawawa ‘yung mga tao at ang sinasabi nating kailangang ayusin talaga ay gawin ng tama ang mga ginawang bridges at bahay para sa mga taong naging biktima ng 2013 siege.” Ani Climaco
Sinabi naman ni House Committee on Housing and Urban Development Chairman Alfredo Benitez, posibleng simulan na nila ang imbestigasyon sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo.
Aniya, nakapaghain na siya ng resolusyon sa Kamara bago man sila nagtungo at nag-inspeksyon sa nasabing pabahay sa Zamboanga City.
“We investigate sub-standard material because we want to ensure safety, ‘yun ang una nating objective, eh kung nakikita natin na hindi naman ligtas ang mga ginagawa nilang pabahay at tulay na papunta sa pabahay eh talagang may failure sa kanilang sistema, kailangan may managot, buti na lang mga sugat lang ang nangyari sa amin, eh paano kung may mas grabeng injuries pa.” Pahayag ni Benitez
(Balitang Todong Lakas / Ratsada Balita Interview)