Hindi pa napag-uusapan ng pamunuan ng Manila International Airport Authority o MIAA ang posibleng paghahain ng kaso laban sa Miascor Ground Handling Company matapos masangkot sa pagnanakaw ang ilang tauhan nito sa Clark International Airport.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, tanging ang sangkot na empleyado pa lamang ang nakakasuhan sa pagnanakaw sa mga gamit ng isang Overseas Filipino Worker o OFW sa Clark.
Kasabay nito, ipinabatid sa DWIZ ni Monreal na may mga ebidensya pa silang nakuha na nakita mismo sa mga empleyado ng Miascor ang mga bagay na nawala sa isa pang insidente ng pagnanakaw sa pasahero ng Turkish airlines noong isang taon.
“Meron po kaming mga nakuhang related na mga ebidensya patungkol po doon at na-confirm po namin, lalo na po ang nangyari sa Turkish airline na sa kanilang possession ng mga tao nakuha yung nawala, yung taong involved ay nasampahan na ng kaso pero in terms of the company itself wala pa po, saklaw lang po namin is yung kontrata nila to operate sa airport.” Pahayag ni Monreal
Samantala tiniyak naman ni Monreal na hindi apektado nang pagtatapos ng kontrata ng Miascor company ang handling operations sa mga paliparan sa bansa.
Ayon kay Monreal mayroon pang limang handling company ang nag-ooperate sa mga paliparan at maaaring piliin ng airline companies matapos tuluyang mag-evacuate ang Miascor Handling Company.
Matatandaang sinuspinde at hindi na pinalawig pa ng MIAA ang operasyon ng Miascor sa ilang paliparan sa bansa.
Ito’y matapos na mapundi si Pangulong Rodrigo Duterte sa insidente ng nakawan sa mga bagahe ng mga pasahero.
Gayunpaman nilinaw ni Monreal na hindi agarang mawawala sa operasyon ng mga airport ang Miascor kung saan hawak nito ang ground handling operations.
Paliwanag ni Monreal magiging epektibo pa ang notice of non-renewal nila sa kasunduan sa Miascor makalipas pa ang animnapung araw.
Dagdag pa ni Monreal magiging daan din ito para mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga airline companies na maghanap ng kapalit ng Miascor upang hindi rin magkaron ng anumang abala sa kanilang operasyon.
–Jennelyn Valencia / Ratsada Balita Interview