Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang malakas at mapanganib na pagsabog ng bulkang Mayon.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, posible itong mangyari sa mga susunod na araw matapos na mamula na at umakyat na sa ibabaw ng bulkan ang lava.
Ito aniya ang dahilan kaya’t itinaas na nila sa alert level 3 ang alarma sa bulkan kung saan nilawakan na sa walong kilometro sa kapaligiran ng bulkan ang danger zone.
Sa ngayon, sinabi ni Solidum na ang masusi nilang minomonitor ay ang dami ng gas na lumalabas galing sa bulkan.
“Andiyan po ang possibility pero depende yan kung nakakaalpas yung gas, ang pag-iipon kasi ng gas ang importante doon kung sasabog ba ng malakas o eruptions lang na dahan-dahan, pero definitely base sa observation na kapag mas matagal ang pagitan ng mga eruptions ay mas marami ang inilalabas, may mga fixed instruments tayo to monitor the gas at meron din tayong roving instruments para i-monitor ang gas sa paligid ng bulkan.” Pahayag ni Solidum
Kaugnay nito, inilikas pansamantala ang halos 900 pamilyang naninirahan malapit sa bulkang Mayon.
Ipinabatid ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC matapos itaas ng PHIVOLCS sa alert level 3 ng naturang bulkan.
Ayon sa NDRRMC, ang mga ini-evacuate sa mga pampublikong paaralan ay mga pamilya mula sa mga bayan ng Camalig at Guinobatan.
Kanselado na ang klase mula pre-school hanggang senior high school kung saan ang mga paaralan ay nagsisilbing evacuation centers.
Mayon Pyroclastic Flow, January 15, 2018 0941 PST. Viewed from Mayon Volcano Observatory at Lignon Hill. #volcano #phivolcs #mayon #eruption pic.twitter.com/pVmfAajOTW
— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) January 15, 2018
–Judith Larino / Ratsada Balita Interview