Pinangangambahan ng Department of Health o DOH ang posibleng pagbabalik ng sakit na polio kasunod nang pagbaba ng bilang ng mga nabakunahan kontra sa nabanggit na sakit.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, huling naitala sa Pilipinas noong 2000 ang nakakahawang sakit na polio na dulot ng poliovirus na sinasabing nakakaapekto sa utak at spinal cord ng isang indibidwal.
Kapag nahawakan ang dumi ng isang taong mayroong polio ay naipapasa ito sa iba at kadalasa’y tumatama ito sa mga kabataan.
Bunga nito, sinimulan na ng DOH ang synchronized polio vaccination sa mga batang edad limang taong gulang pababa.
Planong bakunahan ng DOH ang tinatayang nasa 6.8 milyong kabataan sa buong bansa.