Maaaring magbago na ang takbo ng pulitika kapag pormal nang inanunsyo ni Senator Grace Poe ang kanyang kandidatura para sa 2016 elections.
Sinabi ni Professor Ramon Casiple, isang political analyst, ito ay dahil posible nang masubok ang lakas ng core voters nina Vice President Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas, na una nang nag-anunsyo ng kanilang kandidatura.
Binigyang diin din ni Casiple na bagamat maaga pa para masabi kung ano ang magiging epekto ng pagtakbo ni Poe, tiyak na mas marami ang magiging interesado sa pulitika, lalo na at tatlo na ang mapagpipilian.
“Tendency niya kasi dahil wala naman tayong political party system to speak of, coalitional ang politics dito, kay Senator Grace Poe, malaki ang tama nito sa ruling coalition kasi ang ini-expect na maraming punta sa kanya ay manggagaling doon.” Pahayag ni Casiple.
No effect
Naniniwala naman si Professor Ramon Casiple, na hindi gaanong makakaapekto sa pagtakbo ni Senator Grace Poe sa pagka-Presidente ang mga isyu na ibinabato sa kanya.
Sinabi ni Casiple na kung titingnan, ito ay dahil normal na sa mga Pilipino ang nangingibang bansa at nagkakaroon ng dual citizenship.
Iginiit ni Casiple na di hamak na mas mabigat ang isyu ng korapsyon at competency na ibinabato kina Vice President Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas.
“Usually ‘yung mga ganyang issue doesn’t count with the voters eh, hindi lang sila boboto dahil Filipino citizen ka o naninirahan ka sa Pilipinas, it’s a common experience kasi sa mga Pinoy na lumalabas ng bansa, nagtatrabaho doon, kung US ang pag-uusapan eh talagang lahat naghahabol ng green card.” Giit ni Casiple.
By Katrina Valle | Ratsada Balita