Nagbabala ang PHILVOLCS na posibleng magkaroon ng landslides sa mga ‘dalisdis o bulubunduking lugar sa mga tinamaan ng 6.3 magnitude ng lindol sa North Cotabato.
Ayon kay Undersecretary Renato Solidum, direktor ng PHIVOLCS, karaniwang nakapagpapabagsak na ng gusali na hindi nakasunod sa building code ang nasa VI hanggang VII na intensity ng lindol.
Maaari din anyang magkaroon ng landslides o bitak sa mga dalisdis na delikado kapag biglang umulan o magkaroon ng aftershock.
Doon sa may Intensity VII at VI, pwede na rin pong magkaroon ng mga landslide sa mga matarik na lugar,” ani Solidum.
Hinikayat ni Solidum ang mga Local Government Units na agarin ang inspeksyon sa matataas na bahagi ng kanilang bayan o siyudad.
Sa may Intensity VI to Intensity VII na reports ay may mga damages ang mga building, ‘yung ibang building may mga wall na nagcollapse, ‘yun po ‘yung kailangang tignan ng ating local government units — na mag-inspeksiyon ng mga bahay, gusali,” ani Solidum.
Kasabay nito, nagbigay ng mga puntos si Solidum hinggil sa pagtama ng tsunami sa isang lugar.
Ayon kay Solidum, mahalagang alam ng taumbayan ang mga palatandaan na may darating na tsunami upang maiwasan ang panic.
Unang-una hindi po pwedeng magka-tsunami nasa lupa ang episentro at pangalawa, ‘yung magnitude hindi masyadong malaki; at kung talagang magkakatsunami ay dapat within 30 minutes after the earthquake ay mayroon nang alon,” ani Solidum. — sa panayam ng Ratsada Balita