Kumikilos na ang Department of Labor and Employment o DOLE kaugnay sa itinakdang mahabang special non-working days sa susunod na buwan dahil sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN meeting.
Ipinabatid ito ng Malakanyang sa gitna na din ng pangamba ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP sa epekto ng mahabang bakasyon sa trabaho, na magsisimula sa Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office o PCOO Assistant Secretary Anna Marie Banaag, mas mabuting makipag-usap sa mga negosyante o may-ari ng mga kumpanya lalo na’t karaniwan na ang “No Work, No Pay” policy ng ilang kumpanya.
Sinabi naman ng ilang experts na uubrang maglagay ng skeletal force para magtuloy-tuloy ang serbisyo at para na din hindi maapektuhan ang sahod ng mga manggagawa.
Kaugnay nito, humingi ng pang-unawa si Banaag sa idineklarang special non-working holidays dahil hindi naman aniya lagi o kada taon ang pagdaraos sa bansa ng ASEAN Summit na isang high level summit.