Naghihintay na ang Commission on Elections (Comelec) ang magiging rekomendasyon ng regional field official kung itutuloy ang ikalawang bahagi ng plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Kasunod ito ng nangyaring magkakasunod na pagsabog sa Jolo cathedral at isang mosque sa Zamboanga City.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, isinasaalang-alang nila ito bago desisyunan ang pagpapaliban ng nakatakdang plebisito.
Aniya, mahalaga ring mapangalagaan ang seguridad ng mga botante at iba pang mangangasiwa sa plebisito.
Sakali aniyang hindi ipagpaliban ang plebisito, magpapadala ang komisyon ng monitoring teams sa Lanao del Norte at North Cotabato para subaybayan at tumulong sa pangangasiwa sa botohan.
—-