Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang posibleng pagpapatupad ng travel ban sa Japan, Italy at Iran.
Ito ay sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga nabanggit na bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, mahigpit na binabantayan ng inter-agency task force on emerging and infectious diseases ang sitwasyon sa Japan, Italy at Iran.
Sinabi ni Nograles, hindi maaaring balewalain ang lagay ng mga Filipino sa mga nabanggit na bansa lalo na sa Iran kung saan mahigit 20 na ang nasasawi dahil sa COVID-19.
Samantala, kinumpirma naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ikinukunsidera ng inter-agency task force ang posibleng pagpapatupad ng travel restrictions sa Japan.