Ang buong Senate Blue Ribbon Committee na ang magdedesisyon kung pipilitin o hindi si Executive Secretary Victor Rodriguez na dumalo sa imbestigasyon sa tinaguriang sugar fiasco.
Ayon kay Committee chairman Francis Tolentino, tatalakayin nila ito sa panibagong pagdinig mamaya kung saan nag-abiso na si Rodriguez na hindi makadadalo.
Mahalaga anyang dumalo muli ang Palace official para malinawan ang ilang usapin partikular sa Sugar Order Number 4.
Ipinunto ni Tolentino na bilang Abogado ay kailangang magpaliwanag ang Executive Secretary.
Pagpapakita rin ng respeto ng Ehekutibo sa Lehislatura na Co-equal branch ng gobyerno ang muling pagharap ni RODRIGUEZ dahil indikasyon na masigla at malusog na sistema ng demokrasya.
Sa liham ni Rodriguez sa Blue Ribbon, sinabi nito na hindi siya makadadalo dahil abala siya sa mga biyahe sa ibayong dagat ni Pangulong Bongbong Marcos.
Iginiit pa nito na nasagot na daw nya ang lahat ng tanong ng mga Senador ukol sa Sugar Order 4 na tinukoy niyang draft o balangkas lamang at tiniyak na kaisa siya ng Senado sa paglaban sa katiwalian. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)