Posibleng magsagawa na ang Commission on Elections o COMELEC ng barangay at Sangguniang Kabataan elections sa lungsod ng Marawi sa loob ng tatlong buwan.
Ito ayon kay COMELEC Commissioner Luie Guia ay kapag wala silang nakitang anumang balakid sa isasagawa nilang “assessment” sa lungsod sa nasabing panahon.
Sinabi naman ni COMELEC acting Chairman Al Parreño, na ang isasagawang “assessment” ay tulad ng ginawa ng tanggapan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao kung saan naganap ang mga pagdinig at konsultasyon.
Kasalukuyang isinasailalim ngayon ang Marawi sa rehabilitasyon matapos itong kubkubin ng teroristang Maute – ISIS sa loob ng limang buwan.
—-