Nagbabala ang Asosasyon ng Panaderong Pilipino (APP) sa tuluyang pagsasara ng mga community bakery sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay.
Sa katunayan, sinabi ni APP President Chito Chavez na marami nang maliliit na panaderya ang nagsara dahil sa pagkalugi.
Aniya, ito na ang pinakamatindi at pinakamahabang krisis sa industriya ng tinapay dahil sa pandemya, pagtaas ng presyo ng sangkap ng tinapay, paghina ng piso kontra dolyar at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Giit pa ni Chavez, suportado nila ang layunin ng malalaking bakery at ng Department of Trade and Industry (DTI) na makapag-alok ng murang tinapay sa Pilipino, pero dahil aniya rito ay hindi makapagpatupad ng maayos na taas-presyo ang mga maliliit na panaderya.
Apektado rin ng murang Pinoy tasty at Pinoy pandesal ang kabuhayan ng nasabing panaderya.
Samantala, sinabi ni Chavez na nahihirapan silang magtaas ng presyo dahil karaniwang customer nila ay mga mamamayan na maliit lang din ang kinikita.