Tatalakayin na ng Comelec en banc ang posibleng pagsuspinde sa paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa gitna ito ng inaabangang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung ipagpapaliban o hindi ang nasabing halalan.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, kung pipirmahan ni PBBM ang pagpapaliban ng 2022 BSKE, dapat ding isulong ng en banc ang suspensyon ng COC filing sa October 22 hanggang 29.
Gayunman, ipinunto ni Garcia na kailangang magpasya nang mas maaga ng en banc upang maiwasan ang mga problema, lalo’t inaabot ng dalawang linggo bago maging batas ang isang panukala at mailathala sa isang pahayagan.
Ipinaliwanag din ng poll body chief na kailangan ding maghanda ang Comelec nang mas maaga.
Una nang inihayag ni Executive secretary Lucas Bersamin na maaaring lagdaan ni Pangulong Marcos bilang batas ang mga panukala para sa pagpapaliban ng 2022 Barangay at SK polls.
Setyembre a – 27 nang ipasa ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill 1306 na magpapaliban sa 2022 BSKE sa ikalawang Lunes ng disyembre 2023 habang inaprubahan din ng kamara ang bersyon nito noong Setyembre a – 20.