Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang kalagayan ng posibleng pangatlong kumpirmadong kaso ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bukas pa nila malalaman ang resulta ng isinasagawang verification sa pasyente at agad ding iuulat ang resulta nito sa publiko.
Aniya, sa ngayon ay dalawa pa lamang ang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV ARD sa bansa.
Una nang kinumpirmang may 2019-nCoV ARD ang isang 38 taong gulang na babaeng turistang Chinese.
Habang ang ikalawang kumpirmadong kaso naman ay ang partner nitong 44 na taong gulang na lalaking Chinese na nasawi noong February 2, linggo.
Dagdag ni Duque, sa kasalukuyan pumalo na sa 155 ang kabuuang bilang ng mga persons under investigation (PUI) dahil sa 2019-nCoV ARD kung saan 12 na sa mga ito ang na-discharge o pinalabas na ng mga ospital.