Mahigpit na binabantayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang possibleng epekto sa Batanes ng bagyong Gardo at super typhoon Hinnamnor na kapag pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay tatawaging bagyong Henry.
Sinabi ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson at Office Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations, bagama’t hindi inaasahan magla-landfall ang dalawang bagyo, posibleng maranasan ang epekto ng bagyo sa Batanes at ilang bahagi ng Luzon.
At kung maaapektuhan ng dalawang bagyo ang habagat magdudulot ito ng pag-ulan sa central at western coast line ng Luzon.
Dahil dito, posible aniya na magtaas ng blue o red alert ang NDRRMC.
Pinaiimbentaryo na rin ng ahensya ang mga stockpile sa OCD warehouse sa rehiyon.
Samantala, tiniyak naman ni Alejandro na may sapat na suplay ng food at non-food items sa mga apektadong lugar at nakahanda na rin aniya ang quick response fund ng NDRRMC kung kakailanganin. – sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)