Tiniyak ni Vice President Jejomar Binay na handa niyang harapin ng ang kasong plunder na posibleng ihain laban sa kanya kaugnay ng umano’y overpriced Makati City Building II Project.
Ito ay matapos umabot na sa 10 senador ang pumipirma sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee report na nagrerekomendang sampahan ng plunder si Binay.
Ayon kay UNA Interim President at Navotas Representative Toby Tiangco na sasagutin ni Binay ang lahat ng mga alegasyon sa tamang forum.
Naniniwala din ang kampo ni Binay na inaasahan na nilang mamadaliin ni Senate President Franklin Drilon ang pag-apruba sa naturang Sub-Committee report.
Mga pumirma, hinamon
Samantala, hinamon ni Senator Nancy Binay, ang mga lumagda sa partial report ng Blue Ribbon Sub Committee, na isiwalat ang kanilang tunay na motibo sa pagpirma dito.
Ayon sa senadora, mayroong ilan sa mga ito ay lumagda lamang sa report para mapag-usapan at umaasang makakatulong ito sa kanilang rating sa mga survey.
Bagamat nirerespeto ni Binay ang mga dahilan ng kanyang mga kasamahan sa senado, umaasa naman ito na maiisip ng mga kapwa senador na walang saysay ang kanilang paglagda, kapag dinala na sa Ombudsman ang reklamo.
Giit ni Binay, hindi naman uusad ang kaso na ibinatay lamang sa pahayag ng mga talunang kandidato, at sa reklamong wala namang sapat na ebidensiya.
By Ralph Obina | Katrina Valle | Cely Bueno (Patrol 19)