Tuluyan nang binura sa talaan ng Korte Suprema ang pangalang Maria Lourdes Sereno sa listahan ng mga naging miyembro at punong mahistrado ng hudikatura.
Iyan ay makaraang pagtibayin ng High Tribunal ang naunang desisyon ng mga mahistrado na tanggalin si Sereno bilang punong mahistrado sa bisa ng inihaing quo warranto petition ng Office of the Solicitor General.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, ibinasura ng mga mahistrado ang inihaing motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Sereno.
Nangangahulugan iyon na hindi kailanman naging miyembro ng Korte Suprema si Sereno at hindi rin ito naging punong mahistrado.
Paglilinaw naman ng Palasyo, walang kumpas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging desisyon ng mga mahistrado ng hudikatura na ibasura ang apela ni Atty. Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hiwalay ang kapangyarihan ng hudikatura at ehekutibo kaya’t iginagalang nila ang naging pasya na ito ng mga mahistrado.