Ipinadedeklarang bakante sa Korte Suprema ang posisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Laman ito ng petisyong inihain sa Korte Suprema ni dating Metro Rail Transit o MRT-3 General Manager Al Vitangcol III.
Iginiit ni Vitangcol na nagtapos na noong November 30, 2012 ang termino ni Morales dahil dapat ay kinumpleto lamang nito ang natitira pang termino ng nagbitiw na Ombudsman Merceditas Gutierez noong May 6, 2011.
Sa kanyang petisyon ay hiniling rin ni Vitangcol na ideklarang walang bisa o null and void ang lahat ng kautusan ni Morales mula December 1, 2012 hanggang sa kasalukuyan.
Kasabay nito, nais rin ni Vitangcol na ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang section 8 ng republic act 6770 o ang Ombudsman Act of 1989 dahil kumukontra sa intensyon ng batas na nagsasabing dapat kumpletuhin lamang ng isang bagong appointee ang unexpired term ng Ombudsman.
Tinityak ng Section 8 ng Ombudsman Act ang pitong taong termino para sa Ombudsman at Deputy Ombudsman.
—-