Tiniyak ng kampo ni Incoming President Rodrigo Duterte na may naghihintay na posisyon para kay Incoming Vice President Leni Robredo sa gabinete ng susunod na administrasyon.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni Senador Alan Peter Cayetano kasunod ng ikinakasang pagpupulong sa pagitan ng kampo nila Duterte at Robredo sa pagpasok ng linggong ito.
Ayon kay Cayetano, pinag-iisipan na ni Duterte mula pa nuong unang araw kung anong posisyon ang ibibigay nito sa sinumang mananalong Bise President
Gayunman, sinabi ng Senador na posibleng ibigay kay Robredo ang posisyong nais nito batay sa kaniyang mga naging pahayag nuong panahon ng kampaniya
Una rito, inihayag ni Robredo na wala namang problema sa kaniya kahit walang maging posisyon sa gabinete ng Duterte Administration ngunit patuloy niyang tututukan ang mga programa ng pamahalaan para sa mga mahihirap
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na ilan sa mga posibleng posisyong ibigay para kay Robredo ay ang National Anti-Poverty Commission o NAPC na siyang tumututok sa kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino.
Magugunitang naging maugong ang Department of Social Welfare and Development o DSWD para kay Robredo ngunit una nang inihayag ni Duterte na kaniyang ikinukunsidera itong ibigay mula sa hanay ng CPP-NPA-NDF.
By: Jaymark Dagala