Maituturing na treason o pagtataksil sa bayan ang panukalang pagpapaliban sa 2022 elections kahit pa ang layunin nito ay matiyak ang kaligtasan ng mga botante mula sa COVID-19.
Ito ang iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., matapos na ipanukala ni Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapaliban sa halalan dahil sa pandemic.
Sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na isang demokratikong bansa ang Pilipinas kung saan kinakailangan ang pagsasagawa ng eleksyon.
Aniya, kahit na 12 lamang ang matapang na pumila para bumoto, sila lamang din ang magpapasiya sa kung sino ang magiging susunod na Pangulo ng Pilipinas.
Una na ring sinabi ni COMELEC Chairperson Sheriff Abas na hindi nila ikinukonsidera sa ngayon ang postponement ng 2022 elections.