Kinumpirma ni Agriculture Secretary Manny Piñol na tinamaan ng avian influenza virus o bird flu ang isang poultry farm sa Cabiao, Nueva Ecija.
Gayunman nilinaw ni Piñol na kontrolado nila ang sitwasyon at hindi pa naman naka – aapekto sa tao ang virus.
Aminado din ang kalihim na sadyang itinago sa media ang pagpatay o pagsasailalim sa culling process ng 40,000 livestock ng farm noong Nobyembre 21, upang maiwasang ma – alarma gaya nang ideklara ang bird flu outbreak noong Agosto.
Nakikipag – ugnayan na ang kagawaran sa local government ng Cabiao sa pagmo – monitor ng poultry products palabas at papasok ng bayan.
Pakiusap ng UBRA sa DA at media
Hinimok ng United Broiler Raisers Association o UBRA ang Department of Agriculture (DA) maging ang media na mas maging eksakto sa mga impormasyong ipinararating sa publiko hinggil sa avian influenza virus.
Ito, ayon kay UBRA President, Atty. Jose Elias Inciong, ay upang maiwasan ang kalituhan at pagpa – panic ng publiko lalo ng mga consumer.
Dapat aniyang maging detalyado ang DA partikular sa mga uri ng manok o poultry products na tinatamaan ng bird flu virus.
Gayunman, nilinaw ng UBRA na tanging ang layers o mga nangingitlog ang tinamaan ng bird flu at hindi ang mga broiler o pinalalaki para sa meat production.