Pinaiimbestigahan ng Senate Committee on Energy sa NEA o National Electrification Administration ang power outages sa Palawan.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng komite, kailangang madetermina ng nea ang ugat ng power interruption, gayundin ang liability ng PALECO o Palawan Electric Cooperative sa naturang usapin.
Sinabi ni Gatchalian na batay sa internal investigation ng kanyang komite, ang naranasang power outages ay dahil sa kabiguan ng independent power producer na DMCI Power Corp. na mag-deliver ng 25 Megawatts at ang kawalan ng aksyon dito ng PALECO ay malinaw na paglabag sa kasunduan.
Una nang napaulat na simula pa noong Enero, nakararanas ng hanggang 18 oras na kawalan ng suplay ng kuryente ang mga residente na sineserbisyuhan ng PALECO.