Nagbabadya na naman ang power shortage sa Mindanao sa gitna ng nararanasang El Niño phenomenon na maaaring abutin hanggang 2016 elections.
Ito’y dahil malapit ng umabot sa critical level na 699.86 ang lebel ng tubig sa Lake Lanao na pinagkukunan ng supply ng Agus Hydropower Plant sa Lanao del Sur at Pulangi Hydropower Plant sa Bukidnon.
Ayon kay Romeo Montenegro, Public Affairs Chief ng Mindanao Development Authority, dahil sa El Niño ay bumaba ang power output ng hydropower plant.
Noon aniyang October 30 ay 60 megawatts lamang ang na-produce ng Pulangi Hydropower Plant.
Sa pagtaya ng National Grid Corporation of the Philippines, aabot sa 58 megawatts ang kakulangan sa power supply ng Mindanao at ang projected consumption ay 1,398 megawatts habang ang output mula sa power sources 1,340 megawatts lamang.
By Drew Nacino