Nangangamba ang Puerto Princesa City Local Government sa Palawan sa posibleng maranasang power crisis matapos ihayag ng Delta P. Incorporated na magsususpinde ito ng operasyon sa katapusan ng buwan.
Dahil ito sa hindi umano nababayarang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) subsidy ng National Power Corporation (NAPOCOR) sa Delta na umaabot na sa mahigit 500 million pesos.
Agarang nagpatawag ng pulong nitong Martes, Setyembre 13, si Mayor Lucilo Bayron kasama ang ilang opisyal ng city government, tulad ni Cong. Edward Hagedorn, mga kinatawan ng NAPOCOR, Palawan Electric Cooperative (PALECO) at mga negosyante sa lungsod.
Ito’y upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapigilan ang naka-umang na shutdown ng Delta na isa sa mga power provider ng paleco.
Nakipagpulong din si Bayron sa pamunuan ng nasabing power provider kasama ang mga taga-PALECO at lumiham na rin ang alkalde sa NAPOCOR subalit wala pang tugon ang ahensya.
Aminado naman si City Administrator, Atty. Arnel Pedrosa na hindi lamang ang Delta P ang may ganitong problema dahil maging ang iba pang independent power producer sa lungsod ay may sisingilin din umanong UCME sa NAPOCOR.
Samantala, inihayag ni Vicky Monette Basilio ng PALECO na 20 megawatts ang mawawala o mababawas sa supply ng kuryente sa lungsod at lalawigan kung tuluyang hihinto sa operasyon ang Delta P.