Posibleng “front” o ginagamit lamang umano ng mga mambabatas ang girian sa House Speakership upang makasingit ng pondo ang ilang mambabatas sa 2021 national budget.
Ito ang pananaw ng political analyst na si Prof. Ramon Casiple dahil sa tila maaga pa lamang ay naghahanda na ang mga politiko sa gagawing 2022 elections.
Sa panayam ng DWIZ kay Casiple, bagama’t napagtatakpan ng power struggle sa Kamara ang isyu ng budget, mas lamang pa rin ang pagnanais ng mga kongresista na manatili sa puwesto pagsapit ng taong 2022.
Malaki ang totoo dun kasi papasok tayo next year, magsisimula kampanya para sa susunod na eleksyon kaya may mga Congressman dyan na nag-iisip, nagpapalakasan na sa kanilang mga botante. Gagastahin nila yung budget na yan para sa kanila, para manalo sa susunod na eleksyon pero hindi simpleng away sa budget yan, malaking usapin talaga dyan power bahagi lang yung budget,” ani Casiple.
Dahil dito, nangangamba si Casiple na maging kumplikado ang isasagawang halalan sa 2022 dahil malaki ang kinalaman dito ng girian sa pagitan naman ng Amerika at China lalo na sa isyu ng maritime dispute.
Usapan na tahimik, wala nagsasabi nyan pero expected by February next year magkakapirmihan na yan kung sino kakandidato. Ako, ayan ang binabantayan ko pero walang mga gumagalaw ngayon kasi bahagi ng sitwasyon yung eleksyon sa Amerika. Kaya hindi natin alam kung ano kondisyon kasi nagpasabi na yung Kano na aktibo siya sa region akala mo tatlo helicopter ‘yon dumating dito sa South China Sea at yung China nakikialam na din sa eleksyon natin, medyo kumplikado ‘tong darating na eleksyon,” ani Casiple.