Nanganganib numipis ang power supply sa bansa sa kalagitnaan ng tag-init kasabay ng inaasahang paglakas ng konsumo sa kuryente at posibleng pagpalya ng ilang planta.
Ito’y batay sa power outlook report ng isang energy-focused non-government group.
Ayon sa Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), posibleng kapusin ang power reserves sa Luzon at Visayas grids sa Mayo at Hunyo dahilan upang mapilitan ang National Grid Corporation of the Philippines na magpatupad ng alert status.
Inihayag ni ICSC Chief Data Scientist Jephraim Manansala na bagaman mayroong normal reserves ang Luzon ngayong buwan, simula naman sa Mayo ay maaaring maranasan na ang yellow alerts.
Gayunman, maaaring sa Hunyo pa maramdaman ang mas mahigpit na supply kung saan posible ang pagpapatupad ng mga red alert kaya’t isa sa nakikita nilang solusyon ay higpitan ang pag-export ng kuryente mula Luzon patungong Visayas.
Samantala, maaari namang mapanatili ng Mindanao ang normal reserves at maaaring mag-export ng kuryente sa Visayas upang maiwasan ang red alert status.