Sinimulan na ng Philippine Ports Authority ang pagpapatayo ng mga dedicated cruise terminal sa bansa.
Ito’y bilang pagbigay daan sa target ng Department of Tourism na makamit ang 12 million tourist arrivals sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Atty. Jay Santiago, General Manager ng PPA, bukod sa mga paliparan, kinakailangang magbukas ng karagdagang access points para sa mga dayuhang turista upang maabot ang planong bilang ng DOT.
Iginiit ni GM Santiago, na mas mabilis maa-accommodate ang mga dayuhang turista gamit ang mga cruise ship habang gagawin namang moderno at pang-world class ang mga pasilidad sa bawat mga pantalan.
Layunin nitong maging maayos ang travel experience ng mga foreign nationals kung saan, bubuksan ang kauna-unahang cruise terminal sa siargao sa darating na oktubre.
Kabilang pa sa mga planong pagtayuan ng nasabing terminal ang Coron, Palawan; Boracay; Bohol; at Camiguin habang aayusin at pagagandahin naman ang iba pang mga terminal tulad ng Currimao Port sa Ilocos Norte at Salomague Port sa Ilocos Sur.
Sa ngayon, nasa 30 bagong seaport projects na ang naipatayo ng gobyerno kung saan, 17 dito ay nasa Luzon; 4 sa Visayas; habang ang iba naman ay inilagay sa Mindanao na bahagi ng “Build, Build, more” Program ng pamahalaan.