Wala nang atrasan ang isasagawang proklamasyon ng Commission on Elections (COMELEC) sa 12 senador at partylist ngayong Huwebes.
Sinabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na unang ipo-proklama mamayang alas-2:00 o alas-3:00 ng hapon ang 12 nanalong senador.
Susunod naman dito ang mga partylist dakong alas-5:00 ng hapon.
Ayon kay Guanzon, naka-robe silang mga commissioners ng COMELEC na tumatayo bilang National Board of Canvassers o NBOC.
Habang asahan na aniya na naka-barong at Filipiniana ang mga nanalong senador.
PPCRV
Itinigil na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang isinasagawa nilang quick count sa katatapos lamang na halalan.
Ayon kay PPCRV National Chairperson Tita de Villa, bago nila tuluyang itinigil ang bilangan, hinintay muna nilang mai-transmit ng COMELEC sa kanila ang boto mula sa Masiu, Lanao del Sur na nagdaos ng special elections.
Binigyang-diin ni de Villa na hindi pinapayagan ang PPCRV sa ilalim ng konstitusyon na mag-tally ng 100 percent ng boto lalo na sa pagka-presidente at bise presidente, dahil trabaho na ito ng kongreso na nakatakdang mag-convene bilang national board of canvassers sa susunod na linggo.
By Meann Tanbio | Allan Francisco | Aya Yupangco