Inaasahang darating na sa Davao City ang barko ng Philippine Navy na BRP Bacolod City sa Biyernes, Mayo 8.
Lulan ng BRP Bacolod City ang libo-libong sets ng personal protective equipment (PPE) at N95 face masks na binili ng Department of Budget Management (DBM) sa China para magamit ng mga fronliners sa bansa.
Ayon kay Philippine Navy Public Affairs Office Chief Lt. Commander Maria Christina Roxas, kasalukuyan nang nasa karagatang bahagi ng Oriental Mindoro ang BRP Bacolod City matapos umalis ng Zhangzhou Harbor sa Xiamen China noong Abril 30.
Sinabi ni Roxas, oras na dumating sa Davao City ang barko, ididiskarga lamang nito ang unang batch ng mga PPE sets para sa Mindanao.
Muli naman itong maglalayag patungong Cebu City upang magbaba rin ng kargamento at saka didiretso sa Manila bilang huling destinasyon nito.