ISINUSULONG ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang pagrepaso sa prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco) sa gitna ng patuloy na pagtaas sa singil sa koryente.
Sa isang privilege speech, binigyang diin ni Marcoleta na dapat nang suriin at repasuhin ng Kongreso ang prangkisa ng Meralco kahit sa 2028 pa ito mapapaso.
Sinabi ng kongresista na nakasaad sa Section 4 ng prangkisa ng power distributor na “dapat mag-supply ang Meralco ng kuryente sa ‘captive market’ nito sa pinakamurang kaparaanan at dapat itong magpatupad ng ‘reasonable, just and competitive’ power rates sa lahat ng uri ng customers nito nang sa gayon ay makapag-compete ang mga negosyo at industriya.”
Ayon kay Marcoleta, ang mataas na singil sa kuryente ay isang mabigat na alalahanin na pinapasan ng mga mamamayan sa napakatagal nang panahon kaya dapat na itong tuldukan lalo na ngayong patuloy na nahaharap sa pandemya ang bansa.
Aniya, dapat nang amyendahan ang Section 10 ng RA 7832 upang tuluyan nang maalis ang tinatawag na ‘system loss’ dahil hindi naman kasalanan ng mga consumer ang pagkawala o pagkanakaw ng kuryente.
Binigyang-diin ng mambabatas na halos P23 billion bawat taon ang net income o malinis na kita ng Meralco kaya hindi nito iindahin ang pag-aalis sa ‘system loss’.
Maliban dito, pinaaalis din ni Marcoleta ang pagbabayad ng local franchise tax sa bill sa kuryente. Aniya, hindi ito dapat ipapasan sa mga consumers dahil mali ang basehan nito.
Kasabay nito, hiniling din ni Marcoleta sa Commission on Audit (COA) ang pag-audit sa mga libro ng Meralco dahil sa tila mga pagkakaiba sa energy generation supply purchases ng Meralco tulad ng iniulat sa Energy Regulatory Commission (ERC) at sa mga consumers, kumpara sa purchase power na idineklara nito sa kanilang financial report.