Posibleng mabitin ang pagsisimula ng Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel) bilang 3rd telco player ng bansa.
Ito’y matapos mahayag sa pagdinig sa Senado na wala nang prangkisa ang Mislatel matapos nitong hindi sundin ang mga probisyon.
Sinabi ni Senate Majority Leader Franklin Drilon na hindi nakatupad ang Mislatel sa probisyon ng prangkisa na mag-operate sa loob ng isang taon mula nuong maibigay ang prangkisa nuong Abril 1998.
Hindi rin aniya pinaaprubahan ng Mislatel sa Kongreso nung magbago ito ng pagmamay-ari.
Mga natalong bidder posibleng magkaroon ng tyansa — Palasyo
Posibleng magkaroon muli ng tyansa ang mga natalong bidder na maging ikatlong telco player ng bansa.
Ito’y matapos ihayag ni Senador Franklin Drilon sa Senate hearing na posibleng mabawi ang prangkisa ng mislatel dahil wala na umano itong bisa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaaring humanap ulit ang gobyerno ng bagong kumpanya na papalit sa Mislatel bilang third telco player sakaling hindi matuloy ang pag-operate nito sa bansa.
Sinabi ni Panelo na marami naman ang kumpaniyang sumali sa bidding na maaari pang pagpiliian sakaling magkaroon ng problema sa Mislatel.