Nanganganib nang matanggalan ng prangkisa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang solong nagpapatakbo ng transmission grid sa Pilipinas.
Ito ang babala ni Sen. Sherwin Gatchalian sakaling hindi sumunod ang NGCP sa mga obligasyon nito gayundin sa mga patakaran ng pamahalaan sa pagtitiyak na may sapat na suplay ng kuryente sa bansa.
Pangunahing usapin ani Gatchalian ang hindi pagsunod ng NGCP sa utos ng Department of Energy (DOE) na isama sa kontrata ang paggamit sa isandaang porsyentong reserbang kuryente sakaling maging manipis ang suplay na nakukuha sa reguar na planta.
Sa naging pagdinig ng senado, sinabi ng NGCP na may mga naka-kontratang reserba ng kuryente at mayroon ding hindi naka-kontrata upang hindi lumobo ang bayarin ng publiko.
Maliban dito, ipinunto rin ng NGCP ang mga dayuhang namumuno sa mga planta ng kuryente na mahigpit namang ipinagbabawal sa probisyon ng saligang batas hinggil sa public utility.