Kinansela na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang prangkisa ng taxi na nasangkot umano sa tanim bala modus.
Ito’y kahit pa itinanggi na ng driver ng vigil taxi na si Ricky Milagrosa ang akusasyon ng netizen na si Julius Neil Habana na nag-report ng insidente sa facebook.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, hindi pa rin ligtas si Milagrosa dahil isa pang kahalintulad na reklamo ang inihain laban sa kanya ni William Abellanosa, Chief Administrative Officer ng manpower agency, bilang kinatawan ni Vincent Anthony.
Sa salaysay ni Abellanosa, patungo na sa NAIA si Anthony mula Makati nang mabiktima rin ng driver alas-3:00 ng hapon noong October 29 subalit hindi na umano maalala ng tsuper kung naka-duty siya sa nasabing araw.
Samantala, ipinatawag na ng LTFRB ang mga complainant na sina Abellanosa at Habana para sa susunod na hearing sa November 10.
By Drew Nacino