Patuloy na umaapela ang Philippine Red Cross (PRC) ng blood plasma donations mula sa mga indibiduwal na gumaling na mula sa COVID-19.
Ayon kay PRC National Blood Services Head, Dra. Monina Nalupta, marami pa ring pasyente ng COVID-19 na sumasailalim sa convalescent treatment ang tumatawag sa kanilang tanggapan.
Ito aniya ay upang humiling ng blood plasma mula sa mga COVID-19 survivors na nagtataglay ng neutralizing anibodies na nakatutulong sa mga pasyente na labanan ang impeksyong dulot ng coronavirus.
Sinabi ni Nalupta, sa pinakahuli nilang tala, umaabot na sa 614 na COVID-19 patients ang napagkalooban nila ng blood plasma, magmula ng simulan ang convalescent treatment sa bansa.