Hinihikayat ng mga eksperto mula sa University of Sto. Tomas ang mga kumpanya na gumamit ng pre-cooling ventilation system.
Ito’y isa umano sa mga paraan para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa trabaho.
Ayon kay Dr. Maria Rhona Bergantin ng UST Infectious Disease Specialist, hindi sapat sa isang saradong lugar gaya ng mga opisina ang madalas na sanitation, pagsusuot ng face masks at face shields, at pag obserba sa physical distancing para hindi kumalat ang COVID-19.
Ani Bergantin, mahalaga rin na napapalitan ang umiikot na hangin sa loob ng mga opisina para mas ligtas sa nakakahawang sakit.
Sa pamamagitan umano ng pre-cooling ventilation system ay nakakapasok ang bagong hangin at napapalabas naman nito ang matagal nang hanging umiikot lamang sa loob ng opisina.
Dagdag pa nito, marami na ring mga ospital at hotel sa bansa ang gumagamit na naturang ventilation system.