Hindi palalampasin ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang ginawang pang-aabuso ng isang Precint Commander sa General Santos City.
Ito’y matapos siyang ireklamo ng panununtok, pananampal at pagbabanta sa kaniyang mga tauhan na pawang mga Non-Commissioned Officers.
Kinilala ang sinibak na si P/Capt. Nemecio Calipjo Jr na siyang Commander ng Police Community Precint 8 ng General Santos City Police Office na nasa Brgy. Tinagacan.
Batay sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, lango sa alak si Calipjo nang dumating sa kanilang himpilan noong araw ng Linggo kung saan, pinag-formation niya sa harap ang kaniyang mga tauhan.
Duon niya kinastigo ang mga ito sabay pinagsusuntok, pinagsasampal at pinagbantaan pang papatayin hawak ang kaniyang M-16 rifle dahil sa reklamo ng kaniyang kaibigang hindi naaksyunan ang reklamo.
Ayon kay Eleazar, bawat Police Commander ay dapat maging mabuting halimbawa sa kaniyang mga tauhan kaya’t hindi niya kukonsintihin si Calipjo sa ginawa niyang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Dahil dito, gumugulong na ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service para sa kasong Administratibo dahil sa kawalan ng disiplina sa sarili, hindi pagiging maginoo sa kaniyang tungkulin. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)