Nagkasa na ng preemptive evacuation ang provincial government ng Surigao del Sur partikular mula sa mga bayang malapit sa baybayin dahil sa bagyong Basyang.
Sinabi sa DWIZ ni Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel na nakahanda na rin ang kanilang relief goods para sa iba pang posibleng i-evacuate nila sakaling bumayo na ang bagyong Basyang sa kanilang lalawigan.
Ayon pa kay Pimentel, mahigpit ang monitoring nila lalo na ngayong araw na ito para sa galaw at direksyon ng bagyong Basyang at mai-prioritize ang mga pangunahing maaapektuhan.
“Meron na kaming mga preemptive evacuation sa mga bayan na malalapit sa mga baybayin kagaya ng Hinatuan at Carmen, mahigpit ang monitoring natin sa pag-landfall ng bagyo at kung ano talaga ang dapat na ipaghanda, ang report sa akin mga 155 families na ang inilikas.” Ani Pimentel
‘Samal’
Kanselado naman ang island hopping sa Island Garden City of Samal sa Davao.
Ang hakbang ng Philippine Coast Guard ay para maiwasan ang anumang aksidente dulot ng ulang dala ng bagyong Basyang.
Tuloy naman ang biyahe ng mga barge patawid ng naturang isla.
‘Capiz’
Samantala, inalerto na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ng Capiz ang mga residente lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar.
Kaugnay ito sa panganib ng matinding ulan at hangin na dala bagyong Basyang sa Capiz.
Ayon kay PDRRMO Capiz Action Officer Esperidion Pelaez, patuloy ang kanilang monitoring sa mga bayan sa lalawigan na palaging binabaha para mabilis nilang maabisuhan ang mga residente.
Handa na aniya ang responding units ng probinsya para rumesponde kung kinakailangan.
—-