Inataasan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang kanilang mga regional offices na magpatupad ng preemptive evacuation.
Partikular sa mga lugar na posibleng hagupit ng bagyong Mangkhut o Ompong na inaasahang papasok sa bansa ngayong araw.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Director Edgar Posadas, kanila nang pinag-iingat ang mga residente sa Batanes, Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan Group of Islands at mga lalawigan sa gitna at kanlurang Luzon.
Dagdag ni Posadas, kanilang ginagamit na batayan sa gingawang paghahanda ang mga aral mula sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong 2013 para hindi na ito maulit pang muli.
Samantala sinabi ni Posadas na kanila na ring nabigyan ng ayuda ang Batanes kasunod ng paghagupit ng bagyong Neneng.
Puspusan na rin aniya ang clearing operations sa lalawigan bilang paghahanda na rin sa paparating na bagyong Mangkhut.
Maagang pag-aani
Maagang inani ng mga magsasaka sa Hilagang Luzon ang kanilang mga pananim bilang paghahanda sa inaasahang pagtama ng bagyong Mangkhut o Ompong.
Sa bayan ng Casiguran sa Aurora, maagang naghanda ang mga magsasaka sa inaasahang pagdating ng malakas na bagyo.
Nag-aalala aniya sila sa posibleng maging epekto ng bagyong Mangkhut sa kanilang mga pananim na palay kaya maaga na nila ito inani kahit hindi pa panahon.
Gayundin nagmamadali na sa pag-aani ng kanilang mga palay ang mga magsasaka sa Baccara Ilocos Norte, ngayong nararanasan na rin ang pabugso-bugsong ulan sa lugar.
Samantala, minamadali na rin ng tanggapan ng National Food Authority (NFA) sa La Union ang pagdiskarga sa mga bigas na kanilang ipamamahagi sa iba’t ibang lugar sa Region 1 kabilang na ang dalawang probinsya sa Cordillera.
Ito ay para hindi na rin maabutan ng masamang panahong dala ng bagyong Mangkhut lalo’t posibleng kailanganin ito bilang mga relief goods.
Pinsalang maaaring idulot ng bagyo posibleng umabot sa P13.2-B
Aabot sa 13.2 bilyong piso ang halaga ng pinsalang maaaring idulot ng typhoon Mangkhut o Ompong sa sandaling manalasa sa bansa partikular sa Northern Luzon.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, pinaka-namemeligro ang palay na maaaring pumalo sa 7 billion pesos ang halaga ng pinsala habang 6.2 billion pesos sa mais sa Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera Regions.
Gayunman, hindi naman aniya direktang makaaapekto ang bagyo sa rice supply dahil nakapag-angkat na ang bansa ng 1.3 miilion metric tons ng bigas habang maaga nang nag-ani sa Bulacan at Nueva Ecija.
Inihayag naman ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Director Eduardo Gongona na nanganganib ding maaapektuhan ang sektor ng pangisdaan sa mga naturang lugar.
Ito, aniya, ang rason kaya’t pino-proseso na nila ang importasyon ng 17,000 tons ng galunggong mula China at Vietnam, na inaasahang darating ngayong buwan.—Drew Nacino
(Ulat ni Jaymark Dagala)